Disinformation sa PAGCOR privatization plan nalantad

Wed| 2.14.2024 | 5:00 PM

MARIING binatikos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang mga kumakalat na maling impormasyon hinggil sa planong pagsasapribado ng mga casino ng ahensya na nagdudulot ng demoralisasyon sa mga empleyado nito.

Partikular na pinuna ni PAGCOR Chairman and CEO Alejandro H. Tengco ang social media posting ng empleyadong si Gian Samson na nagsabing gagastos ang PAGCOR ng Php500 milyon upang ayusin ang Casino Filipino branch nito sa Angeles City.

"Walang katotohanan ang mga alegasyon ni Ginoong Samson dahil ang nasabing renovation ay sasagutin ng lessor," pahayag ni Chairman Tengco. "Hindi gagastos ang PAGCOR ng kahit isang sentimo sa renovation." Ang pahayag na ito ay binigyang diin ni Chairman Tengco noong hearing sa Kongreso noong ika-12 ng Pebrero.

Sa kanyang post, sinabi ni Samson na ang planong pagandahin ang sangay sa Angeles City ay upang maging kaakit-akit ito sa mga potensyal na bibili sa sandalling ito ay isapribado.

Ayon kay Chairman Tengco, ang renovation ng Angeles branch ay bahagi ng pagsisikap ng PAGCOR na makapagbigay ng mas mahusay na pasilidad at serbisyo sa mga kostumer ng nasabing sangay at matiyak ang magandang kita nito.

"Hindi namin pag-aari ang gusali kung saan nakatayo ang CF Angeles, kaya nagkaroon kami ng kasunduan sa lessor upang sagutin ang mga gastusin sa renovation dahil sila ang may-ari ng lugar, at ang PAGCOR ay umuupa lamang," ani Chairman Tengco.

“Ganito din ang kasunduang gagawin natin sa Bacolod branch bilang bahagi ng ating pagsisikap na gawing mas attractive ang ating mga casino para sa kapakinabangan hindi lamang ng PAGCOR kundi maging ng pamahalaan,” aniya.

Magsisimula rin umano ang pagsasapribado ng mga casino ng PAGCOR sa huling bahagi ng 2025 upang magkaroon ng sapat na panahon ang ahensya na makapaglaan ng safety nets para sa mga maaapektuhan nito.

Disinformation sa PAGCOR privatization plan, nalantadAng kasalukuyang facade ng Casino Filipino-Angeles


Kasabay nito, pinuna rin ni Chairman Tengco ang alegasyon ng grupo ng PAGCEA na may kabuuang 10,000 empleyado ang mawawalan ng trabaho sa privatization plan ng ahensya.

“Ang bilang na ito ay walang katotohanan dahil ang 10,000 employees ay kabuuang workforce na namin,” pahayag nito. "Hindi natin binubuwag ang PAGCOR; at marami pa ring manggagawa ang mananatili sa regulatory, enforcement, monitoring, electronic gaming licensing at iba pang units,” dagdag ng PAGCOR Chief.

"Kaya nananawagan ako sa ating mga empleyado na huwag paniwalaan ang mga kasinungalingang pinakakalat ng ilang indibidwal," ani Chairman Tengco. "Nandito kami upang itaguyod ang inyong kapakanan, ngunit hayaan ninyong gawin namin ang aming tungkulin."

Go back